«

»

Hibang na ba ang Pinoy sa Gluta?

Glutathione Craze in the Philippines

Sa tuwing bubuksan ko ang Facebook ko, tumatambad sa feeds ko and ‘di mabilang na mga posts tungkol sa mga samu’t saring pampaputi.

Sa totoo lang, nakakabadtrip na!

Wala namang masama, per se, kung gusto ng isang tao na magpapaputi ng balat. Ang nakakabad trip ay ang ipagduldulan sa mukha natin na kailangan nating maging maputi para masabing tayo ay magaganda at mga gwapo.

Kailan ba naging standard ang kaputihan?

Kung ako ang tatanungin, ang kahibangang eto ay produkto ng colonial mentality. Oo, gasgas na pero, iyon naman ang totoo. Pinalala pa ito ng sinasabi nating “socially constructed ideas of beauty“.

Ang pagkahumaling natin sa pagpapaputi ay nag-umpisa bilang isang reaksiyon sa racism na ating natanggap mula sa mga banyaga. Noong tayo ay sinakop ng mga banyaga, isa sa kanilang propaganda ay itatak sa ating isipan na tayo ay mga mababang uri ng mga tao. At isa sa mga kaibahan na tinukoy nila ay ating kulay.

Nagkaroon tuloy ng konsepto na kung ikaw ay hindi puti, ikaw ay mababang uri ng tao.

Pero noong natapos ang panahon ng kolonyalismo, napalitan naman ito ng ibang uri ng pananakop.

Political Caricature on Filipinos and Mexicans during the early 1900s

Political Caricature on Filipinos and Cubans during the early 1900s (notice the exaggerated depiction of our features ). Image lifted from city-data.com

Ito ang pananakop ng kultura. Hindi ko naman sinasabi na perpekto ang kultura natin at hindi na dapat impluwensiyahan ng iba. Marami din namang magandang impluwensiya ang mga banyaga sa atin. Ang sa akin lang ay, may mga aspeto na hindi dapat dinodomina ng banyagang kultura. Isa dito ay ang kahulugan ng pisikal na kagandahan.

Ang lipunan natin ay babad sa impluwensiyang banyaga. Kahit na ano pa mang lathalaan, maging telebisyon, radyo, diyaryo, o maging sa internet, litaw na litaw ang mga konseptong banyaga.

At sa ngayon, namumukod tangi ang pagpapaputi.

Bakit nga ba kelangan magpaputi para gumanda?

Maaring may impluwensiya din ang konspeto natin ng kung ano ang masama at kung ano ang maganda (Sikolohiya). Madalas nating iugnay ang kulay puti sa kabutihan at ang kulay itim sa kasamahan.

Pero sa tingin ko mas malakas ang impluwensiya ng pop culture. Pop culture na dinidikta ng banyagang kultura. Kumbaga eh, “in” ang pagiging maputi. At ito ay sinasamantala ng ibang mga tao kaya nga mabenta ang Glutathione. Pati sabong panlaba ngayon meron na ding halong pampaputi ng kamay. May pampaputi na ring ng kili-kili at kung anu-ano pa.

Pasensiya na pero mahirap talagang sikmurain na marami sa ating mga Pinoy ang asiwa sa kanilang kulay. At masakit din isipin na kung minsan eh ginagawa lang naman nilang magpaputi kasi iyon ang napapanood nila sa T.V. (Mas obvious ito kung magsusuot pa sila ng blue or green na contact lens. Foreigner ang dating!). Kaya ang yayaman tuloy ng mga nagbebenta ng Glutathione kesa sa mga nagbebenta ng taho (at in fairness, maganda din naman sa katawan ang soya ng taho).

Gaya nang tinutumbok ko sa una, walang masama sa pagpapaputi kung ito ay isang desisyon na pinagisipan ng mabuti. Hindi ‘yung gagawin mo lang kasi ito ang sinasabi sa T.V. Kasi ang nangyayari pag ganyan eh nagiging utak trending na lang tayo. Wala na ‘yung tinatawag na “free and informed choice“.

Pero sa huli, nasa tao pa rin yun. Kung masaya siya sa pagpapaputi, eh di go! Ang sa akin lang, sana po ay ang desisyong yan ay hindi nag-uugat sa kagustuhang pumantay sa kagandahan na dinidikta ng ibang kultura.

P.S. May masama ding naidudulot ang mga pampaputi sa kalikasan, kaya kayo din!


 

About the author

Atty. Howard Chan

Howard Chan has been blogging since 2010. He was a former car wash boy, laborer, service crew, house painter, term paper trafficker, call center agent, virtual assistant, and website manager - all these he did to support his studies. He passed the 2014 Bar Exams and was admitted to the practice of law in April 2015. As a lawyer, he intends to continue his advocacy of fighting injustice.

Note: This is his second profile on this blog. He wrote articles before under the name "UberChan" [now Howard Chan (The Student)]. This second profile is created for the purpose of distinguishing articles he wrote when he was a working student from articles he wrote when he's already a lawyer.

2 pings

Comments have been disabled.